Bintang vs naarestong NDF consultant, 'gawa-gawa'

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 11:29 PM | Updated as of Feb 02 2018 05:06 PM

"Mariin naming kinokondena ang rehimeng Duterte sa pagpapatuloy na ilegal na pag-aresto ng mga kababayan na naging tagapagsulong ng kapayapaan," ani Jerome Adonis, Secretary-general ng grupong Kilusang Mayo Uno.

Balik-kulungan si Baylosis matapos maaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Quezon City nitong Miyerkoles ng gabi.

Nakatanggap kasi ng impormasyon ang mga awtoridad sa anila'y "kahina-hinalang" mga armadong lalaki sa lugar.

Kasamang naaresto ni Baylosis ang isang Roque Guillermo, Jr.

Walang halong politika

Itinanggi naman ng Philippine National Police (PNP) na "politically-motivated" ang pag-aresto sa consultant.

"Sa amin trabaho lang, walang personalan...They are enemies of the state...Walang pamumulitika dito," giit ni PNP chief Director General Ronald Dela Rosa. 

"[The operation] was a product of intelligence operation. Nu'ng nakita siya doon, may dalang baril...Wala siyang standing warrant of arrest ha. Inaresto siya on the basis of illegal possession of firearms," dagdag ni Dela Rosa. 

Pero kung ang legal counsel ni Baylosis ang tatanungin, hindi raw kapani-paniwala ang kuwento ng mga pulis.

"That is an incredible and a big lie. Wala siyang hawak na baril. He is 68 years old with a heart condition. He is publicly-known to be a consultant in the peace process. Why would he put himself in that situation?" ani Atty. Rachel Pastores, legal counsel ng NDFP negotiating panel.

Ayon pa kay Pastores, ilegal din daw ang ginawang pag-aresto dahil nilabag nito ang kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at NDFP sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

"Even though terminated na ang JASIG, even after, 'yung mga nag-participate sa peace talks hindi nawawala ang immunity from surveillance at harassment...It appears that he was targeted...Ang report ng 'two armed men' was just a justification ng surveillance nila," ani Pastores.

Si Baylosis ay miyembro ng NDFP Reciprocal Working Group on Political and Constitutional Reforms.

Pansamantala siyang pinalaya noong 2016, kasama ang iba pang peace consultants, para dumalo sa peace talks.

Pero nitong Disyembre, kinansela ni Pangulong Rodrigo Duterte ang usaping pangkapayapaan at tinawag na "terorista" ang mga miyembro ng CPP-NPA.

--Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Editor's note: An earlier version of this story referred to Baylosis' companion as Guillermo Roque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.