Basurero, patay matapos pagbabarilin sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2018 04:49 AM

Patay ang isang basurero matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa isang computer shop sa Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang biktima na si Ricky Tutay, 36-anyos.

Base sa imbestigasyon, nag-pi-pisonet si Tutay nang biglang pagbabarilin ng mga lalaking naka-motorsiklo.

Palaisipan sa mga kakilala nito ang pamamaslang sa biktima na wala naman umanong kilalang kaaway.

"Mabait na tao 'yan. Siya lang nagbabasura. 'Yan lang trabaho niya dito," ani Reynaldo Orosco, may-ari ng computer shop.

Ayon naman sa tumatayong ina ng biktima na si Virginia Tutay, hindi umano gumagamit ng ilegal na droga ang biktima.

"Pagkatrabaho niyan, umuuwi na 'yan. Duwag 'yan. Takot makipag-away 'yan," aniya.

Iniimbestigahan pa ng Manila police ang insidente. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.