Armas, cellphone atbp., nilimas ng NPA sa isang resort sa Batangas

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2017 06:49 PM

BATANGAS - Abot sa mahigit 40 armas, mga cellphone, radyo at laptop ang nalimas nang pasukin ng mga armadong tao ang staff house ng isang resort at security command post ng isang development corporation sa Baranga Papaya, Nasugbu, Batangas Linggo ng gabi.

Inako ng New People's Army ang insidente.

Sa video na ipinadala ng Eduardo Dagli Command NPA Batangas, makikita ang mga armadong taong naka-uniporme habang hinahalughog ang bawat kwarto ng staff house. Ininspeksyon din ang mga cabinet at drawer.

Ayon sa NPA, ginawa nila ito bilang parusa umano sa mga tauhan ng kumpanyang umano'y nangamkam ng lupa at nanggigipit sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.

"Ito'y po dahil sa marami pong kaso na mga berdugo security guard ni Henry Sy. 'Yun pong selective security agency.. Ito po'y may mga ginawang pagwasak sa tanim ng mga magsasaka, pagsunog sa mga kugon kinumpiska rin po nila ang mga pananim at pinagbabawalan rin pong magbungkal ng lupa," ani Apolinario Matienza, tagapagsalita ng Eduardo Dagli Command.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nakapasok sa resort ang mga rebelde sa pamamagitan ng isang babaeng nagpanggap na opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), na may kasamang mga lalaking naka-military uniform. Tumakas ang grupo gamit ang gate sa likod ng resort.

Wala namang naitalang nasaktan sa insidente.

Lunes ng umaga, narekober ang tatlong van na pinaniniwalaang ginamit na getaway vehicle ng grupo.

Inaaral na ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga sasakyan para masuri kung may impormasyong makakatulong para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga sumalakay na rebelde.