Pusher na may pellet gun, muntik mabaril sa buy-bust sa Davao

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 07:48 PM

DAVAO CITY—Arestado ang isang lalaking target ng isang buy-bust operation matapos umanong bumunot ng armas.

Kinilala ang suspek na si Chino Espinosa, 33, na inaresto ng Talomo Police sa operasyon sa Barangay 19-B Miyerkoles ng madaling araw.

Bago maaresto, bumunot pa umano ng armas si Espinosa. 

Pero nang suriin ng pulisya, pellet gun o replica lang pala ng 9-mm pistol ang kaniyang dala.

Ayon kay Espinosa, laruan lang daw niya ito at hindi intensyong takutin ang sinuman.

Nakuha mula kay Espinosa ang 3 sachet ng hinihinalang shabu sa operasyon.

"Bag-o lang ko nagbaligya pagkasakit sa akong papa," ayon kay Espinosa.

(Bago lang ako nagbebenta ng ilegal na droga, noong may sakit na ang aking ama.)

Ayon kay Chief Inspector Ronald Lao, hepe ng Talomo Police, matagal nang nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot si Espinosa at ginagamit pa umano nito ang pellet gun na pananakot para hindi siya isumbong sa mga pulis.

"Nakuratan gani ta kaganina kay replica kaayo gyud sa Gloc 19 mura gyud og tinuod," sabi ni Lao.

(Nagulat kami sa dala niyang baril dahil parang tunay na Gloc 19.)

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.