Pagdinig ukol sa mga krisis sa MRT3, nauwi sa sigawan, banta

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:18 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagkainitan sina Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) General Manager Rodolfo Garcia at House Speaker Pantaleon Alvarez sa kalagitnaan ng pagtalakay ng House transportation committee sa mga krisis sa nasabing linya ng tren. 

Ito'y matapos kuwestiyunin ni Alvarez ang kakayahan ni Garcia na pamunuan ang MRT.

Paliwanag ni Alvarez, mahalagang maaksiyonan agad ang problema ng MRT3.

"Nilagay ka diyan para ayusin mo ang problema. Ngayon eh ang experience mo pala ay member ka ng board. Wala kang experience sa operations, sa maintenance...Ang MRT3, ang laki-laki ng problema, ibigay mo na lang 'yan sa mga marunong," ani Alvarez.

Dito na binanggit ni Garcia ang planong patakbuhin ang mga tren na binili ng nakaraang administrasyon sa Dalian, China, ngunit binara ito ni Alvarez.

"Hindi nga puwede iyan dahil hindi match ang signalling. Hindi mo pa ba alam 'yun?" tanong ni Alvarez.

"Then I will resign kung hindi ako sigurado," pagbabanta naman ni Garcia.

Paliwanag ni Transportation Assistant Secretary TJ Batan, dumadaan na raw sa audit ang mga Dalian train para malaman kung puwede itong patakbuhin.

"On-going ang independent audit and assessment ng Dalian trains. Ito ay ginagawa ng isang international audit firm. Hintayin na lang natin ang report nila para ma-resolve na natin ang issue," ani Batan.

Ilang beses na ring pinatakbo ang mga Dalian train sa riles ng MRT3 at nakakuha na rin ng safety assessment report mula sa Bombardier Sweden.
    
Ngayong Miyerkoles, muling bumagsak ang bilang ng mga tren sa pito mula sa maximum capacity ng MRT3 na 20 train sets.

Apat na tren ang inalis dahil sa electrical failure.
    
Ibinaba na ng gobyerno sa 15 ang pinakamaraming ipatatakbong tren para mas ligtas ang pagsakay sa MRT3.

Ayon naman kay Garcia, pinag-iisipan na rin niyang magbitiw sa puwesto dahil sa pressure.
    
--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.