Mandurukot sa jeep sa Iloilo, huli sa akto

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 05:42 AM

Sa retratong ito na kuha ng isang pasahero, makikitang huli sa akto ang isang lalaki na may kinukuha sa bag ng isa pang pasahero ng jeep sa lungsod ng Iloilo. 

Huli sa akto ang isang lalaki na may kinukuha sa bag ng isang pasahero ng jeep sa lungsod ng Iloilo.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Rusty Alcoran.

Ayon kay Senior Insp. Tranquilino Querubin, hepe ng Jaro police, napabilang sa kanilang rogues' gallery ang suspek matapos siyang ireklamo makailang beses dahil umano sa pagnanakaw.

Kuwento ng kumuha ng retrato na gustong itago ang kaniyang pagkakakilanlan, nangyari ang insidente Martes ng tanghali habang siya ay papunta sa kaniyang trabaho.

Sumakay umano ang suspek nang dumaan ang jeep sa Tagbak, Jaro.

Tatlo lang silang pasahero nang makita niya ang suspek na may kinukuha sa sling bag ng isang pasaherong lalaki.

Dahil takot siyang saktan kung sabihan ang biktima sa kaniyang nakita, kinunan niya ito ng retrato.

Dagdag ng pasaherong kumuha ng retrato, wala ring nakuha ang suspek matapos mapansin ng biktima na parang may kinukuha sa kaniyang bag. Bumaba ang suspek pagkatapos. - ulat ni Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.