2 karpintero sa GenSan, timbog sa buy-bust

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 02:32 AM

Arestado ang 2 karpintero sa isang buy-bust operation sa General Santos City Lunes ng hapon.

Kinilala ang mga nahuli na sina Juanito Lee Cabero at Hinon Jay Umangay.

Narekober mula sa kanila ang 5 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng humigit-kumulang P100,000.

Ayon kay Senior Insp. Fernando Manuel Jr., nagsimula ang kanilang transaksyon sa Barangay Fatima hanggang sa Barangay Apopong.

Pinabulaanan naman ni Umangay na sangkot siya sa ilegal na droga.

Depensa niya, nagmaneho lang umano siya ng motorsiklo kasama si Cabero na siyang nagdala ng ilegal na droga.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Cabero, na napabilang umano sa watchlist ng Police Station 7.

Nasa listahan umano ng directorate for intelligence ng Police Regional Office 12 si Cabero.

Nang bisitahin siya para sa Oplan Tokhang, doon nalaman ng mga pulis na patuloy umano siya sa pagkakasangkot sa ilegal na droga.

Ayon naman kay Chief Insp. Jovenson Bayona, tagapagsalita ng General Santos City Police Office, nasa 72 na bahay ng drug suspects ang binisita sa muling pag-arangkada ng Oplan Tokhang.

Mahigit 20 ang sumuko na sa mga istasyon ng pulis, dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.