Slots sa passport courtesy lane, ibinebenta

Willard Cheng, ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 07:03 PM

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group ang ilang government agencies at pribadong indibidwal na nagbebenta ng endorsement para mabigyan ng access sa courtesy lane ang isang passport applicant. 

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), may mga nagpapanggap na travel agent o advisor na nag-aalok ng passport appointment pero 'yon pala ay kukuha lamang ng endorsement mula sa isang ahensiya ng gobyerno para mai-refer ang aplikante sa courtesy lane. 

"They pose as travel agents or travel advisor, then, sabi nila, 'O dito you can get passport appointment if you pay x amount' and they actually, they will just get endorsement, and then refer them to the courtesy lane," ani DFA Undersecretary Jose Luis Montales.

Hindi pa malayang makakapagbigay ng detalye si Montales sa ngayon, pero may ilang nasa "director" level at "high position" ang iniimbestigahan. 

Pero ayon kay Montales, maaari ring hindi nila alam na binebenta ang endorsement na binigay nila. 

"Posible hindi nila alam, in all honesty they gave endorsement, 'yun pala binebenta," sabi ni Montales. 

Sa ngayon, mas hinigpitan ng DFA ang pagsala sa mga endorsement para tiyakin na hindi ito ginamit sa ilegal na paraan. 

Ayon kay Montales, kakasuhan ang matatagpuang nagbebenta ng mga endorsement na nagpapanggap na travel agent. 

Dagdag ni Montales, may iba pang modus na ginagamit ang mga nag-aalok ng pekeng passport appointment sa social media.

Mayroon daw mga kawatan na nagbibigay ng application form, na may pekeng bar code at appointment details, kapalit ng hinihinging bayad.

Magugulat na lang ang aplikante na peke pala ang application form pagdating niya sa tanggapan ng DFA.    

Muli ring paalala ng DFA sa publiko, huwag tangkilikin ang mga nag-aalok ng passport appointment.

Kasabay nito, tiniyak ni Montales na gumagawa na ng paraan ang DFA para maresolba ang problema sa passport appointment system kabilang ang posibilidad ng pagbubukas ng kanilang tanggapan sa Aseana tuwing Sabado, pagdaragdag ng consular office, at paggamit ng e-payment system.

-- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.