Koleksiyon ng toll sa Skyway, balik sa dati

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 08:50 PM | Updated as of Jan 31 2018 10:09 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ibabalik ng Skyway management nitong Martes ng gabi ang lumang sistema ng toll collection para sa mga sasakyan mula Alabang, Sucat, at Bicutan. 

Ito ay matapos ulanin ng reklamo mula sa mga motorista ang bagong sistemang ipinatupad ng pamunuan noong Lunes kung saan dalawang beses titigil ang mga motorista sa kanilang pagbiyahe sa Skyway.

Bukod kasi sa payment booth, isusuko ng mga motorista ang isang slip na may QR code sa tollbooth sa gitna ng skyway.

Sa isang pahayag, sinabi ng Skyway O&M Corporation na ibabalik nito ang lumang "pay as you enter" scheme para sa mga pribadong sasakyan simula Martes, alas-10 ng gabi.

Tanging mga class 2 vehicles gaya ng mga bus at delivery van lang muna ang makagagamit umano sa Runway Toll Plaza.

Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Skyway sa mga naperwisyong motorista. 

"To our motorists, we acknowledge your sentiments regarding the new toll collection system on the elevated Skyway," sabi ng Skyway O&M Corporation sa pahayag.

"Solving traffic congestion is not an easy task but we are fully committed to finding a solution to it with your help."

-- May ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.