4 taong gulang, 1 oras naglalakad para makapasok sa paaralan

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2018 09:35 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi alintana ng apat na taong gulang na si Junamae Bayoyos ang distansiyang nilalakad araw-araw para makapag-aral. 

Halos isang oras kasi siyang naglalakad sa makitid, maputik, at bako-bakong isang kilometrong daan papunta sa pinapasukang Laos Elementary School sa Barangay Binobohan sa Guihulngan City, Negros Oriental.

Kasama niya sa pagpasok at pag-uwi ang isang kapatid at pinsan.

May mga pagkakataong binabaybay niya ang daan kahit walang suot na sapatos o tsinelas.

Kuwento ng tiyahing si Marryfel, masigla naman si Junamae kapag papasok sa paaralan pero umiiyak na pauwi dahil sa pagod.

Sa itaas ng bukid nakatira si Junamae kasama si Marryfel at ang asawa nito. 

Sanggol pa lang kasi si Junamae at ang kaniyang kapatid nang ihabilin ng ama kay Marryfel matapos umanong iwan ng kanilang ina.

Nagpapaabot naman ng tulong ang barangay sa pangangailangan ng day care center na pinapasukan ni Junamae.

Handa ring magbigay ng tulong ang Provincial Social Welfare Office ng Negros Oriental sa bata.

Ipinahayag din ng pamahalaang lokal ng Guihulngan na ipasesemento ang kalsada.

Bagaman nahihirapan, pursigido si Junamae na pumasok araw-araw at ituloy ang pag-aaral patungo sa pinapangarap na magandang kinabukasan.

-- Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.