Lalaki, binaril ng ama ng nobya

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 11:53 PM

Patay ang isang lalaki matapos itong barilin ng ama ng kanyang nobya sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Vista Alegre, Bacolod City. 

Ayon sa suspek na si Eduardo Diego, matagal na niyang pinangangaralan at pinagbabantaan ang anak na huwag nang ituloy ang relasyon nito sa biktimang si Bernie Casidad.

May pamilya na si Casidad, at ayon kay Diego, hinuhuthutan lamang nito ng pera ang kanyang anak.

Lunes ng umaga, inabutan ni Diego sa bahay ng kanyang anak si Casidad.

Umuwi si Diego para kunin ang kanyang baril saka binalikan ang biktima.

Nagtamo ng tama ng bala sa katawan at ulo si Casidad na agad nitong ikinamatay.

Ayon sa pulisya, muntik pang barilin ni Diego ang sariling anak ngunit naubos na ang bala.

Agad namang sumama sa mga pulis si Diego, na haharapin ang kasong murder at illegal possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.