Ilang bus, pamalit sa mga 'bulok, mausok' na jeep

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 07:51 PM | Updated as of Jan 29 2018 08:21 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Magpapakalat ng mga city bus ang Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) sa mga lugar na apektado ng kakulangan sa jeep bunsod ng "Oplan Tanggal Usok Tanggal Bulok."

Simula Martes, 20 city bus ang itatalaga ng I-ACT para palitan ang mga pampasaherong sasakyang nagpapagawa ng mali sa behikulo, nagka-"cutting trip," o nagtatago dahil walang prangkisa.

"Para at least ma-warning-an na rin itong mga jeep na dumadaan diyan na 'wag n'yo nang ilabas kung alam n'yong hindi naman safe 'yong mga jeep ninyo," ani Jojo Garcia, acting general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

"'Yong mga kolorum ay itago na nila 'yan," dagdag ni Garcia.

Lifted ang coding sa mga bus na papaskilan ng karatulang saad ay "special trip."

Ikakalat ang mga special city bus sa biyaheng Fairview hanggang Quiapo, at Novaliches hanggang Pasay Rotonda.

Maaari ring kumuha ang mga bus ng mga pasaherong stranded sa Baclaran.

Gaya ng pasahe sa jeep, P8 din ang minumum fare na babayaran sa bus, mapa-regular o air-conditioned.

Inuna munang pasadahan ng mga special city bus ang mga maluluwag na kalsada para hindi tumukod ang trapiko.

"Kailangang nilang piliin talaga 'yong mga ruta na kasya 'yong mga buses," ani Garcia. "At least may option lang 'yung ating mga kababayan sa pagsakay."

Sa susunod na linggo, magpapakalat din ng mga city bus sa Commonwealth (Quezon City), Guadalupe (Makati), at Masinag (Antipolo).

Ibabalik naman ng MMDA ang mga "point-to-point" bus para sa mga pasaherong problemado sa MRT-3 simula Pebrero 1.

Dadaan ang mga ito sa yellow lanes ng EDSA na may kasamang escort mula Land Transportation Office (LTO) at Highway Patrol Group (HPG).

Nasa P15 lang ang bayad mula Quezon City hanggang Makati ng mga point-to-point bus tuwing rush hour sa umaga.

Unang ipinalabas ang mga point-to-pont bus blang alternatibo sa MRT noong Nobyembre.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.