Mosyon vs taas-pasahe sa MRT-LRT pinaaaksiyunan na sa Korte Suprema

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2018 03:05 PM | Updated as of Jan 28 2018 04:12 PM

MAYNILA - Nanawagan ang isang mambabatas sa Korte Suprema na desisyunan ang mosyon na inihain nila noong 2015 para ibabâ ang pasahe sa MRT at LRT. 

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, walang iginanda ang serbisyo ng mga tren sa kabila ng pagtaas ng pasahe, at sa katunayan aniya ay lumala pa ang mga insidente. 

"Ang laman ng motion to resolve ay paglabas ng Korte Suprema ng TRO sa ginawang MRT/LRT fare hike; pagbalik sa dati ng singil sa MRT/LRT; pagrefund sa nakolektang fare hike mula 2015," aniya.

Enero ng 2015 itinaas ang pasahe ng MRT at LRT. Ayon sa dating kalihim ng Transportation Department na si Jun Abaya, mas magandang serbisyo ang hatid ng taas-pasahe na ito. 

Ang dulo-dulong biyahe ay tumaas sa P28 mula sa dating P15 sa MRT; sa P30 mula sa dating P20 sa LRT-1, at sa P25 mula sa dating P15 sa LRT-2. 

Tatlong taon matapos itaas ang pasahe sa mga tren, madalas pa ring nasisira ang mga bagon at mahaba pa rin ang mga pila sa mga estasyon. 

Kabilang sa mga malalaking insidenteng naitala kamakailan ay ang pagkalas ng bagon ng MRT at ang pag-usok sa loob ng isang tren nito lamang Biyernes.

Una nang nangako ang Department of Transportation (DOTr) , na pinamumunuan ngayon ni Sec. Art Tugade, na hindi na magiging mahaba ang mga pila sa MRT stations sa dulo ng 2017.

Humingi naman ng pang-unawa si Tugade sa publiko. Aniya ginagawa ng DOTr ang lahat para ayusin ang problema at paparating na rin ang spare parts na kailangan para sa mga tren.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.