1 patay, 1 sugatan sa pamamaril sa Negros Occidental

Mark Salanga, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 09:47 PM

Isa ang patay habang isa ang nasa kritikal na kondisyon matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa bayan ng Moises Padilla, Negros Occidental Biyernes ng gabi.

Dead on the spot si Elnica Arroz, 18, na tinamaan ng bala sa ulo habang kritikal ang kondisyon ng may-ari ng bahay na si Rene Saludares na may tama ng bala sa dibdib at balikat.

Ayon sa pulisya, maaaring si Saludares ang pakay ng mga armadong nakasuot ng bonnet.

Dagdag nito, bandang alas-9 ng gabi nang makarinig ng putok ang pamilya Arroz. Dahil dito, lumabas ng bahay si Saludares at doon na siya pinagbabaril.

Nang panahong iyon ay nasa labas din si Arroz at malapit kay Saludares kaya natamaan ng bala sa ulo.

Agad na lumakad ang mga namaril sa hindi tukoy na direksyon. Ayon sa pulisya, hindi sila agarang nakaresponde dahil sa layo ng lugar.

Nakuha naman ang dalawang slug at ilang empty cartridge ng M16 rifles sa pinangyarihan ng krimen.

Humingi ng hustisya ang ina ng biktima para sa kaniyang anak na nasa Grade 11 at scholar sa kanilang paaralan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.