SAPUL sa CCTV: Pagnanakaw sa loob ng restaurant sa Davao City

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2017 06:01 PM

Pinaghahanap ngayon ng pulisya sa Davao City ang isang lalaking at babae na nakunan ng video sa CCTV na pasimpleng tumangay sa bag ng isang customer sa restaurant.

Halos pareho ang mukha ng lalaki sa CCTV video recording sa loob ng isang eskwelahan sa Davao na animo’y nag-sa-shopping ng sapatos.

Nag-viral sa social media ang CCTV video recording ng isang lalaki at babae na pumasok sa isang restaurant sa Ilustre Street na nagmamasid sa kanilang bibiktimahin.

Palipat-lipat ng lamesa ang dalawa hanggang nakakita ng tiyempo sa isang customer na babae na inilagay ang bag sa upuan habang kumakain.


Umupo ang suspek sa likuran ng babae at pasimpleng kinuha ang bag na ipinasa sa kasama nitong babae at agad umalis.

Makikita din sa video na may mga kasamahan pa ang mga suspek na mga lookout. Mapapansin din sa video ang biktima na hinahanap ang kanyang nawawalang bag.

"We are conducting operations against them,” sabi ni Police Senior Superintendent Michael John Dubria.

Ayon sa pulisya, nakilala na nila ang mga suspek. May pi-nost din na video ng CCTV sa social media sa isang lalaki na may dala rin na sling bag na nakapasok sa isang paaralan.

Duda ang mga otoridad na iisa lang ang lalaking pumasok sa restaurant at eskwelahan na may bigote. 

Sa pagkakataong ito, namimili pa ang lalaki ng madudukot na sapatos ng mga estudyante.


Makikita din sa video na may mga estudyanteng dumadaan pa sa kanyang harapan.

Nang tumahimik ang paligid, nilapitan ng suspek ang lalagyan ng mga sapatos at pinipili pa ang tatangayin at nakabitbit nga ito ng isang pares pero ibinalik din sa lalagyan.

Pumunta naman ang lalaki sa isa pang shoerack at nang makapili ay binitbit niya ito at ibinalik din sa lalagyan.

Ayon sa report, nong araw na iyon may nawawalang cellphone sa loob ng classroom pero hindi na ito nahagip ng CCTV.

Pinagdududahan ang lalaking nahagip sa CCTV ang kumuha sa cellphone kaya nagpapaalala ang Davao City Police na maging listo at hindi magkompiyansa dahil nagmamasid lang sa paligid ang mga kawatan.