P5-M shabu, nadiskubre sa kisame ng paupahang bahay sa QC

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 12:31 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Tinatayang 2 kilo ng hinihinalang shabu na may street value na P5 milyon ang nadiskubreng nakatago sa kisame ng isang bahay sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Natuklasan ang nakatagong shabu ng mga bagong nangungupahan sa bahay sa Parkway Village sa Barangay Apolonio Samson.

Nagtaka umano sila kung bakit ilang beses nang nabubuksan ang kisame. Nabaluktot pa ang shower curtain rod sa banyo.

Nang silipin ang loob ng kisame, doon nadiskubre ang shabu na nakabalot sa plastic na una'y inakalang fetus.

Iniimbestigahan na kung sino ang mga dating nangupahan sa bahay.

Samantala, 3 katao naman ang arestado sa isinagawang buy-bust operation ng Quezon City Polic District, Huwebes ng gabi.

Nahuli sa aktong gumagamit ng hinihinalang shabu sina Eduardo Macapagal, alyas Waway, Mark Aquino at Michelle Gonzales.

Kapwa tricycle driver sina Macapagal at Aquino. Itinanggi nilang drug pusher sila pero umamin na gumagamit ng shabu para hindi antukin sa pamamasada. 

Ayon sa pulisya, nakulong na dati ang dalawang tricycle drivers at nasa drug watch list nila.

Nasa 15 plastic sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa mga suspek. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.