Daan-daang motorsiklo, na-impound sa North Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 11:49 PM

Nasa 190 motorsiklo ang nakumpiska sa dalawang bayan ng North Cotabato dahil sa samu't saring traffic violations nitong Huwebes. Kuha ng North Cotabato Police

Nakumpiska ang daan-daang motorsiklo sa isinagawang "Oplan Lambat Bitag Sasakyan" sa ilang bayan sa North Cotabato nitong Huwebes.

Naimpound ang 60 motorsiklo na may samu't saring mga violation sa bayan ng President Roxas, habang 130 motorsiklo naman ang nakumpiska sa bayan ng Pigcawayan.

Ang kalimitang paglabag ng mga driver ay expired o walang lisensya, expired na official receipt (OR) at certificate of registration (CR), at mga motorsiklong may open pipe.

Maliban sa dalawang munisipyo, nauna na ring isinagawa ang Oplan Lambat Bitag Sasakyan sa mga bayan ng Midsayap at Libungan, North Cotabato kung saan mahigit sa 500 motorsiklo ang nahuling lumabag sa traffic ordinance.

Matapos mabayaran ang ticket at penalty, at maipresenta ang mga kailangang dokumento ay agad ding nirelease ang nasabing mga motorsiklo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.