Mga magsasaka at lumad, panandaliang hinarang sa Davao

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2017 12:54 PM

Hinarangan ng daan-daang mga Lumad at magsasaka mula sa iba’t-ibang lugar sa Region 11 ang Quimpo Boulevard sa Davao City na nagdulot ng matinding traffic alas-otso ng umaga ng Huwebes.

Patungo sana sa Rizal Park ang mga magsasaka at Lumad sakay ng limang dump truck para makipagdayalogo kay Agrarian Reform Sec. Rafael Mariano hinggil sa reporma sa lupa, pero sinita sila ng mga pulis.

Ayon sa Traffic Group ng Davao, hinarang nila ang mga truck dahil sa paglabag sa truck ban, over loading, at pagtangging magpakita ng driver's license.

Dahil sa pagharang ng mga pulis, gumanti ang mga magsasaka at mga Lumad kaya hinarangan din nila ang kalsada dahilan para hindi makadaan ang mga sasakyan.

Umabot ng 20 minutos ang pagkaantala ng traffic sa lugar.

Kalauna'y nagkaintindihan naman ang otoridad at mga Lumad at magsasaka at pumayag ang driver ng limang truck ng isyuhan ng Temporary Operators Permit para makatuloy sa Rizal Park.