Noynoy, mga dating opisyal, pinakakasuhan uli dahil sa 'Mamasapano'

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 10:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ilang naiwang kaanak ng 'SAF 44,' umaasa pa rin sa hustisya

Pinakakasuhan ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema si dating Pangulong Benigno Simeon "Noynoy" Aquino III kaugnay sa madugong engkuwentro sa Mamasapano noong Enero 25, 2015, kasabay ng ikatlong anibersaryo ng trahedya ngayong Huwebes.

Sa inihaing "manifestation" sa Korte, iginiit ni Solicitor General Jose Calida na dapat humarap si Aquino sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide dahil sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) sa Mamasapano.

Gusto rin ng OSG na ipabasura ng Korte Suprema sa Ombudsman ang reklamong graft at usurpation of authority na isinampa laban kay Aquino.

Dapat ding mabawi ang pagbasura ng Ombudsman sa naunang reklamong homicide laban kina Aquino, dating PNP chief Director General Alan Purisima, at dating Special Action Force chief Director Getulio Napeñas.

Dapat aniyang usigin ang tatlo para sa kasong pagpatay.

PAGGUNITA SA SAF 44

Pakay ng PNP-SAF na sumabak sa "Oplan Exodus" sa Mamasapano noong 2015 ang Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir alyas "Marwan" na napatay ng tropa sa kaniyang pinagtataguan sa Sitio Tukanalipao.

Nang papaalis na sa lugar, naharang ang PNP-SAF ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Moro Islamic Liberation Front, na ang ilan ay inakalang inaatake sila ng mga tropa.

Sa isang programa sa SAF headquarters sa Taguig, ginunita ng PNP ang kabayanihan ng mga kasamahang nasawi sa Mamasapano.

Naroon din ang mga naiwang kaanak ng SAF 44, mga itinuturing na bayani ng Mamasapano.

Ayon sa ilang naulila, kahit matagal nang naihatid sa huling hantungan ang kanilang mga mahal sa buhay, sariwa pa rin ang kanilang pagnanais na makamit ang hustisya. 

"We believe that step by step, the perfect day will come and punish those people involved in that unacceptable day," sambit ni Julie Cayang-O, biyuda ng isa sa mga nasawing SAF 44.

("Naniniwala kaming darating ang araw na maparurusahan ang mga may kinalaman sa nangyari sa Mamasapano.")

AQUINO VS. NAPEÑAS

Nakiisa rin si Napeñas sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng Mamasapano encounter.

Sa okasyon, tumirada ang dating SAF director kay Aquino.

"Di ba lagi akong sinisisi? Binola ko daw? Na para akong tanga? Pero after all those years na si Marwan, more than 10 years na siya sa Mindanao e, paikot-ikot, I'm proud na kami ang nakakuha. I'm proud na kami 'yong na-dedicate ng buhay namin na kunin siya. Dahil baka libo ang mamamatay kung buhay pa siya," ani Napeñas.

Bumuwelta naman kay Napeñas si Aquino na dumalaw sa puntod ng inang si dating Pangulong Corazon Aquino para gunitain ang kaniyang birth anniversary.

"No, no, no, that's incorrect. He (Napeñas) made himself look incompetent because he actually performed incompetently," ani Aquino.

Bagong talagang pinuno ng SAF si Director Noli Taliño na isa sa mga nagplano sa Oplan Exodus.

Nauna siyang idinamay sa kasong sinampa sa Ombudsman kaugnay ng Mamasapano encounter ngunit kalauna'y naabsuwelto.

"Feeling ko vindicated ako, pero nauna na 'yon because ang kaso namin, na-dismiss na sa Ombudsman," ani Taliño. "Focus natin ngayon ay ma-improve ang capabilities ng SAF."

Pinuna naman ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang bagal ng pag-aksiyon ng Korte Suprema sa paglipat ng mga kaso laban sa mga tauhan ng BIFF at MILF mula Cotabato City patungong Metro Manila.

Ayon kay Aguirre, isang taon na pero hindi pa rin nadedesisyonan ng Korte ang kanilang kahilingan.

Si Aguirre rin ang dating abogado ni Napeñas sa kaso sa Mamasapano encounter.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.