Lalaki, patay matapos pagbabarilin sa ilalim ng istasyon ng MRT

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 03:37 AM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng dalawang riding-in-tandem sa ilalim ng MRT Magallanes station Huwebes ng hatinggabi.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktima. Nakasuot ito ng checkered polo, maong na pantalon, at puting rubber shoes.

Ayon sa mga nagtitinda sa paligid, pasado hatanggabi nang makarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril.

Dalawang riding-in-tandem na naka-face mask at sombrero ang nag-abang umano sa biktima bago pinaulanan ito ng bala.

Nakuha mula sa biktima ay cellphone, yosi, at P20.

Ikinagulat naman ng mga tao ang insidente, lalo na para sa iilang call center agents na dumadaan sa lugar.

Hindi bababa sa anim na basyo ng 9mm ang nakuha sa crime scene.

Palaisipan pa sa mga pulis ang motibo sa pagpatay. - ulat ni Jervis Manahan at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.