Bangkay ng dalagita, natagpuan dahil sa alagang aso

Lady Stephanie Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 12:04 AM

Natagpuan Martes ng hapon ang isang bangkay ng dalagita dahil sa inuuwing buto ng isang alagang aso sa San Carlos City, Pangasinan.

Kuwento ng may-ari ng aso na si Pedro Deola, nag-uuwi ang kanyang alagang aso ng buto nitong mga nakalipas na araw.

Pero ikinabigla niya ang inuwi ng kanyang alaga alas-5 ng hapon nitong Martes.

"Sinundan ko pagpasok kasi ang baho. Nitong mga nakaraan, may mga buto nang inuwi...Ngayon, nakita ko may daliri na," aniya.

Ipinagalam niya ito agad sa mga otoridad kung saan naghanap ang pulisya sa paligid ng bahay sa Barangay Tarece.

Ilang metro ang layo sa bahay, natagpuan ng pulisya ang nabubulok at lasog-lasog na katawan ng isang tao sa isang bakanteng lote.

Base sa suot nitong pink na T-shirt, shorts, at tsinelas, kinilala ito ng mga kamag-anak na si Melissa de Guzman, 15-anyos, residente rin sa lugar.

Dec. 3 nitong nakaraang taon pa raw nawawala ang dalagita.

Blanko pa ang pamilya sa motibo ng pagpaslang.

Sa inisyal na imbestigasyon, may nakitang butas sa bungo ng dalagita na posibleng dahilan ng kanyang pagkamatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.