2 bata patay nang tangayin ng tubig-baha

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 05:19 PM

Patay ang 2 bata matapos tangayin ng rumaragasang tubig-baha sa Lake Sebu, South Cotabato, Miyerkoles ng hapon.

Nakilala ang mga bata na sina Nyzebelle Segundo, 8, at Jellian Isay, 7.

Huwebes ng umaga nang mahanap ang bangkay ni Segundo sa isang quarry site sa boundary ng Barangay Poblacion at Barangay Lamlahak.

Magdiriwang sana siya ng kanyang ika-9 na kaarawan ngayong araw.

Sa kabila nito, itinuloy pa rin ng mga guro sa Lamlahak Elementary School sa Lake Sebu ang birthday celebration ng Grade 3 student na si Segundo.

Nabigla ang mga guro sa balitang 2 sa estudyante nila ang namatay matapos tangayin ng rumaragasang tubig-baha kahapon. 

Mabigat ang kalooban ni Jeobert Isay sa sinapit ng anak na pursigidong makapagtapos ng pag-aaral. Si Jellian ay kasalukuyang nasa Grade 1.

Kahit malayo ang bahay nila sa paaralan nagtatiyaga pa rin itong maglakad ng nasa 3 kilometrong taas-babang bundok araw-araw.

Hirap din tanggapin ni Hilda Segundo ang pagkamatay ng kanyang panganay na anak. Nabigla na lang sila nang tawagan sila na inanod si Nyzebelle ng tubig-baha. Malapit lang ang bahay nila sa creek kung saan huling nakita ang 2 bata.

Magkapitbahay lang sina Nyzebelle at Jellian.

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, pauwi na ang 2 bata galing sa eskwelahan nang bumaba ang dalawa sa creek.

Mahina lang ang ulan sa Barangay Lamlahak kahapon. Pero malakas umano ang buhos ng ulan sa bundok kaya rumagasa ang tubig baha sa creek.

Dahil sa nangyari, nag-iikot ngayon ang MDRRMO sa mga kabahayan para magpaalala sa mga residente na i-monitor ang mga estudyante lalo na kung masama ang panahon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.