Mocha Uson, ibinalik ang plake; tumirada kontra senador, estudyante

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 10:38 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Balik University of Santo Tomas (UST) ang plakeng iginawad kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson noong Linggo matapos niya itong ipasauli sa UST Alumni Association Inc. (USTAAI) na nagbigay ng pagkilala. 

Hindi personal na naibalik ni Uson ang plake dahil bumiyahe na siya kasama si Pangulong Rodrigo Duterte patungong India.

Pero bago siya umalis, nanawagan si Uson na tigilan na ang pamba-bash sa USTAAI.

Bumuwelta rin si Uson kay Sen. Joel Villanueva na kasabay niyang tumanggap din ng pagkilala at naunang nagpahayag ng pagkadismaya sa pamantayan ng paggawad ng parangal.

"Kung tatanungin niyo nga po ako kung na-offend ako o hindi, I will be a hypocrite kung sasabihin kong hindi kasi gano'n na lang pala ang criteria," ani Villanueva. 

Banat ni Uson kay Villanueva: "Tumingin din siya sa salamin, siya nga itong dinismiss ng Ombudsman dahil sa kasong graft and corruption."

Humirit din si Uson laban sa ibang alumni at estudyante ng UST na aniya'y nambu-bully umano sa mga opisyal ng USTAAI.

"Itong mga ilang Thomasians, nagra-rally sa kalsada, sabi ipaglaban ang freedom of speech, freedom of expression, tapos 'yong karapatang ipahayag ng USTAAI na isama ako sa kanilang awardee ay sinusupil nila," ani Uson. 

Dahil sa kontrobersiya, nagpasyang magbitiw sa puwesto ang presidente ng USTAAI na si Henry Tenedero.

Inako niya ang responsibilidad sa paggawad ng parangal kay Uson. 

Muli rin niyang dinepensahan si Uson mula sa naging kontrobersiya.

"I'm not ashamed to say this, I saw the beautiful humanity in her person lalo no'ng palagi niyang pinapaulit 'sir, sabihin niyo lang po sa akin, kusang loob ko pong ibabalik ang award'," ani Tenedero.

Tumanggi nang magbigay ng panibagong pahayag ang administrasyon ng UST.

Iginiit nilang may sariling board of trustees ang USTAAI at hindi nakikialam ang UST sa mga desisyon nito at iba pang alumni associations.

Nauna na ring sinabi ng UST na iba ang pagkilalang iginawad kay Uson sa The Outstanding Thomasian Alumni Awards na iginagawad ng unibersidad sa alumni na naging natatangi ang kontribusyon sa kanilang larangan. 

-- Ulat nina Raphael Bosano at Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.