Mga naantalang plaka, posibleng ipamigay ng LTO sa Pebrero

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 06:03 PM | Updated as of Jan 24 2018 09:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Maipapamahagi na ng Land Transportation Office (LTO) ang daang-libong plaka ng mga sasakyan at motorsiklo.

Kasunod ito sa pagbawi ng Korte Suprema sa temporary restraining order laban sa Motor Vehicle License Plate Standardization Program (MVLPSP) ng ahensiya nitong Martes.

Ayon sa LTO, posibleng sa Pebrero masimulan ang pamamahagi ng nasa 300,000 plaka dahil sa mga dokumentong kailangan pang i-proseso.

"Pag naging final na itong resolution ng Supreme Court, we will immediately issue itong 300,000 more or less na plates," ani LTO executive director Romeo Vera Cruz.

Iba pa umano ito sa mga bagong plakang ilalabas sa Marso.

Handa aniya ang LTO na buksan ang kanilang tanggapan kahit weekend dahil sa inaasahang dagsa ng mga motorista.

Nilinaw naman ni LTO Chief Ed Galvante na 300,000 plaka ang hawak ng ahensiya, taliwas sa mga naunang ulat na 700,000.

"The 700,000 is not really 700,000 now, but rather what we have is around 300,000 remaining when the TRO came out," ani Galvante.

Nagsimula ang isyu sa plaka nang maglabas ng notice of disallowance ang Commission on Audit noong 2015 dahil sa umano'y kaduda-dudang pagpopondo sa modernisasyon ng mga plaka.

Ibig sabihin, hindi maaaring bayaran ng LTO ang kontrata nila sa J. Knierem Goes at Power Plates Developments, ang mga kompanyang gagawa ng mga plaka.

Abril 2016 naman nang pigilan ng Korte Suprema ang pamamahagi sa mga plaka dahil sa kabiguan ng mga kompanyang magbayad ng buwis sa Customs.

Kaya ibinigay ng Bureau of Customs sa LTO ang mga plaka, na itinago naman sa isang bodega sa kanilang tanggapan sa Quezon City sa nakalipas na dalawang taon.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.