Mga bus, aagapay sa operasyon ng MRT

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 12:57 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Muling magpapakalat ng mga bus ang Department of Transportation (DOTr) bilang alternatibo para sa mga pasaherong nahihirapang sumakay sa MRT-3.

Tig-30 bus ang patatakbuhin ng ahensiya tuwing rush hour na magmumula sa magkabilang dulo ng EDSA, sa may mga istasyon ng MRT.

"('Yong bus) intended na maibsan kahit papaano, kahit kaunti 'yong mahahabang pila natin sa MRT-3 habang inaayos natin ang mga kailangan ayusin," sabi ni Transportation Assistant Secretary Timothy John Batan.

Aminado si Batan na hindi naging matagumpay ang unang sabak ng mga "point-to-point" buses noong Nobyembre.

"Hindi siya sinasakyan ng mga nakapila dahil naiipit pa rin sila sa traffic," paliwanag ng opisyal.

May mga hakbang naman umano ang ahensiya para maiwasang maipit sa trapiko ang mga bus, tulad ng paglaan sa second lane para sa mga ito.

"We're going to strictly enforce 'yong mga dedicated bus lane," ani Batan. "Lagyan natin ng motorcycle escort."

Ipapareho sa MRT ang halaga ng mga pamasahe.

Kamakailan ay lalong humaba ang pila sa MRT matapos ibaba sa 10 hanggang 12 ang bilang ng tumatakbong tren tuwing rush hour.

Hindi pinatatakbo ang ilang tren dahil umano sa problema sa spare parts.

"We met with all our chief engineers ... mayroon tayong critical set of spare parts," sabi ni Batan.

Pero nilinaw ng DOTr na nakapag-order na ang gobyerno ng spare parts na inaasahang dadating sa mga susunod na buwan.

Patuloy rin ang pakikipag-usap ng gobyerno sa Japan para sa pangangasiwa o maintenance ng mga linya ng tren.

Matatandaang pinutol ng gobyerno ang kontrata ng maintenance provider na Busan Universal Rail Inc. noong Nobyembre. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.