Lalaki, natagpuang nakabalot ang mukha at nakagapos sa Taguig

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 08:16 AM

Natagpuan Miyerkoles ng madaling araw ang isang lalaking hinihinalang biktima ng summary execution sa Barangay Western Bicutan, Taguig City.

Nakabalot ng duct tape ang ulo ng lalaki na may mga tama ng bala. Nakagapos din ang kanyang kamay ng plastic na cable tie.

Nakasuot ang lalaki ng itim na T-shirt at jogger pants. May tattoo rin ito sa kanyang hita, dibdib, at binti.

Narekober ng mga otoridad mula sa kanyang pantalon ang ilang piraso ng aluminum foil at dalawang plastic sachet na hinihinalang shabu.

Natagpuan ang bangkay matapos makarinig ang mga guwardiya sa isang dinedevelop na property ang dalawang putok ng baril mula sa lugar.

Noong Enero 19, 2018, natagpuan din sa Barangay Calzada Tipas, Taguig City ang bangkay ng isang lalaki na kapareho ang pagkakapatay.