Bumiyaheng tren ng MRT, 7 lang para sa libo-libong pasahero

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 08:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumagsak sa 7 na lang ang tumakbong tren ng MRT bago mag-alas-5 ng hapon ngayong Miyerkoles.

Bunsod nito, kalbaryo na naman ang pila ng libo-libong pasahero ng MRT sa mga istasyon nito.

Kapag naman nakasakay na sa tren, kailangan ding magtiis ng mga pasahero sa napakatinding siksikan sa loob ng mga bagon.

Ayon sa ilang pasahero, kailangan nilang magtiyaga sa ganitong sitwasyon kaysa makipagsapalaran pa sa ibang pampublikong sasakyan na maaaring maipit sa trapiko ng EDSA.

Tanggap naman ng ibang pasaherong empleyado na male-late na naman sila sa kanilang trabaho.

Ayon sa pamunuan ng MRT, sa nakalipas na 3 taon, pinakamababang bilang ng pinatakbong tren ang bumiyaheng 7 ngayong Miyerkoles.

Wala pa ito sa kalahati ng 20 tren na maximum capacity o kabuuang bilang ng puwede sanang patakbuhing tren ng MRT.

Tatlong beses kasing nagtanggal ng tren sa linya dahil sa electrical failure sa motor at braking system.

"Itong kakulangan natin sa spare parts ay nag-uugat pa po doon sa kabiguan ng dati nating maintenance provider dahil hindi sila nakapag-procure nitong mga crucial na spare parts na kailangan natin sa pagmamantene ng mga bagon," paliwanag ni Aly Narvaez, MRT 3 media relations officer.

"Imbes na 'yong mga bumibigay na bahagi ng ating mga bagon ay pinapalitan ng bagong spare parts, ang nangyayari po ay pinapalitan natin ito ng kaparehong component mula sa isa pang bagon. So dahil dito ay talagang worn-out na," dagdag ni Narvaez.

Pinutol ng Department of Transportation (DOTr) ang kontrata ng dating pribadong maintenance provider noong Nobyembre.

Nagdesisyon silang ibaba ang bilang ng mga bumibiyaheng tren sa 15 at bawasan ng isang oras ang operasyon ng MRT para tiyaking ligtas ang biyahe at mas mababa ang bilang ng aberya.

Dahil naman sa pababa nang pababang bilang ng tumatakbong tren, pahaba rin nang pahaba ang pila ng mga pasahero.

Ayon sa MRT, mula alas-5 hanggang alas-6 ng hapon, 10 na ang bumiyaheng tren ng MRT kasabay ng rush hour o uwian mula sa trabaho ng mga empleyado.

Sa tantiya naman ng ABS-CBN News, nasa 8 hanggang 9 na minuto ang pagitan ng mga tren na dumarating sa istasyon.

Pasensiya na lang muna ang hinihiling ng MRT mula sa mga pasahero habang inaantabayanan ang pagdating ng spare parts ng tren sa susunod na buwan.

Inaasahang makatutulong ito para dumami ang mga tren ng MRT na muling bibiyahe.

Nauna na ring sinabi ng DOTr na may mga bus na bibiyahe bilang alternatibo para sa mga pasaherong nahihirapang sumakay sa MRT-3.

Tig-30 bus ang patatakbuhin ng ahensiya tuwing rush hour na magmumula sa mga dulong istasyon ng MRT.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.