1 patay, 1 sugatan sa engkuwentro sa Tacurong City

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2018 12:23 PM

Sugatan puganteng si Oting Mando sa enkuwentro na ikinasawi rin ng kanyang kasamahan sa Tacurong City, Enero 23, 2018.

TACURONG CITY – Patay ang isang pugante habang sugatan naman ang kasamahan niya nang maka-engkuwentro nila ang awtoridad, Martes ng umaga.

Nakilala ang nasawi na si Andy Evangelista. Sugatan naman ang kasama niyang si Oting Mando. Kapwa pugante sila ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center na tumakas noong Enero 15 ng madaling araw.

Di na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang puganteng si Andy Evangelista matapos na makaenkuwentro ang awtoridad, Enero 23, 2018, sa Tacurong City.

Ayon kay Police Superintendent Joefel Siason, hepe ng Tacurong City Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na nagpa-plano ang 2 na magnakaw ng motorsiklo sa Tacurong City.

Nitong Martes, nakipaghabulan at nakipagbarilan sa awtoridad ang 2 nang malaman ang presensiya ng mga pulis sa lugar. Umabot ang bakbakan hanggang sa plantasyon ng tubo sa Purok Malipayon sa Barangay Balagsikan.

Doon na nasukol ng mga pulis si Mando, samantalang nakitang sugatan sa sa gitna ng plantasyon ng tubo si Evangelista na itinakbo agad sa ospital, pero hindi na umabot ng buhay.

Narekober ng mga pulis ang sinakyang motorsiklo ng dalawa. Agad nilang nalaman na ang naturang motorsiklong ay napaulat na ninakaw sa bayan ng Norala sa South Cotabato noong Enero 20.

Matatandaang nakatakas ang 2 matapos sirain ang lock ng selda at gumamit ng kumot para makababa sa matarik na pader ng piitan.

May hinaharap na kasong carnapping si Evangelista habang kasong paglabag sa Republic Act 9165 si Oting. 

Naglaan naman ng P50,000 para sa ikadarakip ng bawat pugante ang lokal na pamahalaan ng South Cotabato.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.