Away-trapiko nauwi sa panununtok; taxi pinagbabaril pagkatapos

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2017 11:42 AM

Isang taxi ang pinagbabaril ng hindi nakilalang lalaki sa kanto ng Earnshaw at F. Jocson Streets sa Sampaloc, Maynila Martes.

Ayon sa imbestigador na si PO1 Danilo Cabigting, unang nakaalitan ng Chen Chen Taxi driver ang isang motoristang sakay ng puting Nissan, bandang alas-5:00 ng madaling-araw.

"Itong taxi ay kukuha ng pasahero so paatras siya rito sa Jocson-Earnshaw. Nagkataon namang itong Nissan is going towards Lacson so na-cut niya 'yung lane ng Nissan," ani Cabigting sa panayam ng DZMM.

"Nagkasagutan sila at bumaba ang driver ng Nissan, binuksan ang pinto ng taxi driver at pinagsusuntok na siya. Matapos noon, pagbaba ng taxi driver, tumakbo itong driver ng Nissan."

Umalis ang taxi driver sa lugar, pero bumalik din doon.

Dakong alas-7:00 ng umaga, nilapitan ang taxi at pinagbabaril ito ng isang lalaking naka-helmet at sakay ng motorsiklong itim.

"Bumaba lang [ang motorcycle rider] at nagtanong kung kanino iyung taxi. Noong sinabi ng taxi driver na siya ang drayber, wala nang salita, pinagbabaril na lang kaagad," sabi ni Cabigting.

Masuwerteng nakatakbo at hindi tinamaan ang driver, pero nahagip ng mga bala ang isa pang katabing taxi at isang bus ng Victory Liner na papalabas sana ng terminal.

Inaalam pa ng mga pulis kung may kaugnayan ang gunman sa motoristang unang nakaalitan ng biktima, at kung nakuhanan ng CCTV camera ang insidente.

Hindi naman naplakahan ng taxi driver at mga saksi ang Nissan at motorsiklong sangkot sa alitan.

Anim na basyo ng kalibre .9-mm ang narekober sa crime scene. -- Ulat ni Dennis Datu, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.