Dating beautician at kaibigan, tiklo sa buy-bust sa GenSan

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 10:49 PM

Arestado ang dalawang lalaki sa isang buy-bust operation na ikinasa ng General Santos Police Station 4 Martes ng hapon sa Barangay Mabuhay.

Nasukol sa mismong bahay nito ang dating beautician na si Rony Sasa at ang kaibigan nitong si Christian Alcosero. 

Na-korner sila sa ikinasang buy-bust operation 1:55 ng hapon sa Purok Promise Land Phase 2 sa Barangay Mabuhay.

Nabilhan umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu si Sasa. Narekober din sa kanya ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu at ang P500 na marked money. 

Nakunan naman umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu si Alcosero.

Pero todo tanggi si Alcosero sa akusasyon sa kanya. Samantalang aminadong user si Sasa, hindi naman umano siya sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.

Itinuturo naman si Sasa ang isang kaibigan nito na pumunta sa kanyang bahay para gumamit ng iligal na droga. Nang umalis umano ito pumasok na ang mga pulis at hinuli na sila.

Dinipensahan din niya si Alcosero na pinapunta lang niya sa kanyang bahay para ayusin ang kanyang sirang motorsiklo.

Wala nang trabaho ngayon si Sasa, pero siya ang bumubuhay sa kanyang pamilya. Sa tulong daw ng boyfriend niyang nasa U.S na nagpapadala ng sustento sa kanya buwan-buwan, nabubuhay ang kanyang pamilya at napag-aaral niya ang kanyang dalawang kapatid at dalawang pamangkin.

Ayon naman kay Barangay Kagawad Darwin Ginez, wala sa listahan ng mga surrenderee nila si Sasa. Pero marami na umano silang nasasagap na balita na marami na ring lumulutang na mga bagong pangalan na sangkot sa iligal na droga sa ibang purok ng barangay.

Pero ayon sa pulisya, lumalabas ang pangalan ni Sasa mula sa mga nakausap nilang user. Nakatakdang sampahan ng kasong selling at possession of dangerous drugs si Sasa. Possession of dangerous drugs naman ang haharapin ni Alcosero.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.