3 binatilyong 'snatcher', arestado

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2018 05:24 AM

Arestado Lunes ng gabi ang tatlong menor de edad na lalaki na sangkot umano sa serye ng pagnanakaw ng cellphone sa Tondo, Maynila.

Ang mga nahuli ay dalawang 17-anyos at isang 15-anyos.

Napag-alaman din ng pulisya na kakalabas lang ng dalawang binatilyo sa Department of Social Welfare and Development.

Ayon kay Senior Insp. Ness Vargas, hepe ng Tayuman Police Community Precinct, isa rin sa mga nahuli ay nakunan ng marijuana.

"Itong mga suspek, kapag nakuha nila ang cellphone, ipapasa sa kasama. Tapos, ililipat lamang ng ibang lugar," aniya.

Pinakahuli sa mga nabiktima ng mga binata ay sina alyas Ann at Jasmine na inagawan ng cellphone sa loob ng jeep.

"Nakipag-agawan ako kaya may kalmot...Hindi na ako magtetext sa loob ng jeep," pahayag ni Ann.

Nagtuturuan naman ang mga suspek nang mahuli ng mga pulis.

Kuwento ng isa, sumunod lamang daw siya dahil bubugbugin umano siya kapag hindi sumama sa pang-sna-snatch ng cellphone.

Dahil menor de edad pa, itu-turn over ulit sila sa DSWD.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.