UST Alumni Assoc president dumepensa sa parangal kay Mocha Uson

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2018 05:56 PM

Dumepensa sa pagkilalang iginawad kay Presidential Communications Assistant Secretary Margaux "Mocha" Uson ang pangulo ng University of Santo Tomas (UST) Alumni Association.

Sa panayam sa programang "Pasada Sais Trenta" sa DZMM, ipinaliwanag ni Henry Tenedero, pangulo ng asosasyon, na "unanimous" o aprubado ng kanilang officers at mga presidente ng iba pang alumni association ng iba pang pakultad ang pagkilala kay Uson.

"Sa aking pananaw, ang posisyon niya ay very important: communications," ani Tenedero.

Gayunman, may sariling panimbang din si Tenedero sa kung paano ginagampanan ni Uson ang pagiging kawani ng gobyerno.

"As to how she does her work, it's another matter for discussion."

"Are you happy with how she does her work?" tanong ni Karen Davila kay Tenedero.

"I'm not totally happy. I'm not totally happy, personally. But I want, based on our discussion with her yesterday, to use the occasion to reform, to reform, to become a better Thomasian alumni in public service...," tugon naman ni Tenedero.

Sa gitna rin ng pagbabalik ng ibang alumni ng kanilang kaparehas na pagkilala bilang protesta sa recognition kay Uson, iginiit ni Tenedero ang naging pamantayan sa pagbibigay ng parangal kay Uson.

"Hindi kami, per se, magja-judge how competent, compassionate you are. Because in the final analysis, it's between you, your conscience, and your God," ani Tenedero.

Nagpatawag na rin ng emergency meeting si Tenedero sa alumni association para talakayin ang naging reaksiyon sa pagkilala kay Uson.

Aniya, hindi puwedeng siya lang ang magdesisyon kung babawiin ang pagkilala kay Uson.

"We will listen to what people are saying, but definitely we will not decide on the basis of what people say. We have to look at the merits," ani Tenedero.

May pahaging din si Tenedero sa aniya'y nakaraan ni Uson bilang isang "sexy star."

"I thought I was taught by my parents and my school to love and respect maging sino ka man. Hindi ako tinuruan na mahalin lamang ang matalino, ang magalang, mataas ang I.Q., etcetera," sabi ng pangulo ng UST Alumni Association.

"I think as an alumni association, para kaming magulang. Kapag ang isang anak ay napapariwara, hahayaan ko na lamang ba sila magpatuloy? O bigyan sila ng pagkakataon na mareporma? Hindi ba 'yan ang essence ng Christian education? Na sana 'yon ang maunawaan."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.