5 mangingisda mula sa Puerto Princesa, nailigtas ng Vietnamese fishing vessel

Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2017 09:28 PM

Fishermen Wengil Libre (left), Jason Camaligar (middle) and Jose Bantilan (right) were rescued by a Vietnamese fishing vessel.

PALAWAN — Pangalawang buhay na para sa 5 mangingisda ang pagkakasagip sa kanila sa dagat ng mga mangingisdang Vietnamese.

Mula sa Puerto Princesa ang bangka na lumaot noong January 2 sakay ang mga mangingisdang kinilala na sina Wengil Libre, Jason 

Camaligar, Albert Dinoy, Jose Bantilan at ang kapitan ng bangka na si Jairus Lopez.

Kwento nila, kasagsagan ng malakas na hangin at malalaking alon noong umaga ng January 17. 

Tinatayang nasa 38 milya ang layo nila sa Ologan Bay at pabalik na sana sila sa Puerto Princesa nang matuklap ang plywood sa isang bahagi ng kanilang bangka, dahilan para unti-unti itong lumubog.

Limang oras umano silang nagpalutang-lutang sa dagat.

Malaki ang pasasalamat nila nang may Vietnamese fishing vessel na napadaan at sinagip sila pasado 3 p.m.

Kinagabihan, isang bangka mula sa Batangas ang kanilang nadaanan at nilipatan. Inihatid sila sa Quezon, Palawan at nakabalik sa Puerto Prinsesa Biyernes.

Samantala, 2 mangingisda ang pinaghahanap pa ngayon sa Palawan.

Kinilala ang dalawa na mag-amang si Romeo "Meo" Apales, 62, at Ronel "Ron-Ron" Apales, 22.

Ayon sa pamilya Apales, pumalaot ang mag-ama noong Lunes at hindi pa rin nakakabalik hanggang ngayon.

Posible umanong nagkaproblema ang bangka ng mag-ama dahil sa lakas ng hangin at malalaking alon.

Patuloy pa rin ang paghahanap ng Coast Guard sa mag-amang lulan ng isang bangkang kulay dilaw at asul.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.