4 patay, kabilang ang 2 estudyante, sa pamamaril sa Laguna

Dennis Datu, DZMM

Posted at Jan 20 2017 09:05 AM | Updated as of Jan 20 2017 09:19 AM

MANILA - Apat ang patay habang isa ang kritikal sa ospital nang pagbabarilin sa harap ng Canlalay Elementary School sa Biñan, Laguna, pasado hatinggabi ng Biyernes.

Naitakbo pa sa Biñan hospital pero namatay rin sina Arnel Barce, 17, estudyante; Darwin Villareal, 18, estudyante; Rico Laserna, 32, service crew, Mark Robin Ignacio, 27, walang trabaho.

Kritikal naman sa Perpetual Hospital si Ranel Barce, 18, estudyante.

Sa inisyal na ulat mula kay Sr./Insp. Jerry Sangalang, tagapagsalita ng Laguna PNP, nakaistambay ang mga biktima nang dumating ang hindi bababa sa apat na armadong lalaki.

Isa-isa umanong binaril nang malapitan ang mga biktima bago tumakas ang mga suspek. Kalibre 9-mm naman umano ang ginamit sa pamamaril.

Ayon sa pulisya, tatlo umano sa mga biktima ay kilalang nangha-harass sa mga dumadaan sa kanilang lugar, lalo na kapag gabi.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen.