27 miyembro umano ng MNLF, arestado dahil sa dalang mga baril

Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2017 09:30 AM

Ilan sa mga nakumpiskang baril mula sa mga suspek. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Arestado ang 27 nagpapakilalang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Lanao del Sur matapos silang mahuling nagbi-biyahe na may dalang mga matataas na kalibre ng baril.

Nang tanungin sa checkpoint ng militar, sinabi ng mga suspek na mayroon silang sasagiping kasamahan. Pero iniimbestigahan sila ng mga otoridad sa posibleng iba nilang pakay sa pagpasok ng armas sa Lanao del Sur, na dadalhin sa Marawi.

Agad na hinuli ng mga otoridad ang mga kalalakihan at kinumpiska ang mga armas at sasakyan. Iniimbestigahan ngayon ang totoong pagkakakilanlan nila.

Ang pagkahuli sa mga suspek ay dulot na rin ng isang intelligence report sa Philippine Army noong Martes ng gabi na may grupo umanong nagbi-biyahe ng armas.

Sa loob ng 4 na sa sakyan ay may 17 iba’t ibang klase ng baril. Karamihan dito ay may matataas na kalibre, gaya ng machine gun, Barrett sniper rifle, Bushmaster caliber .223, at improvised rocket-propelled grenade launcher, kasama rin ang iba’t ibang bala.

“Actually 6 vehicles nga ito eh. May naka-slip na 2, hindi namin nahabol. Iyong 4 na naiwanan, dun namin nakita iyong karamihan ng mga armas na dala nila…sa sobrang dami nung armas na dala, mahirap talagang itago iyon,” ani Brig. Gen. Roseller Murillo, commander ng 103rd Infantry Brigade.

Ang sakay ng 4 na sasakyan na 27 kalalakihang nagpakilalang miyembro ng MNLF ay pinamumunuan umano ni Aleem Abdul Azis Aminodin.

Ayon sa kanila ay ililigtas nila ang anak ni Abdul Azis mula sa kamay ng mga kidnaper.

"Na-kidnap iyung anak niya. Dahil sa tinawagan siya na papatayin yung anak niya, napilitan lang siyang maghawak ng baril para i-rescue iyong anak niya. Problema lang, hindi siya nag-coordinate sa mga authorities, kaya yun ang nangyari,” ayon naman kay Commander Abs Amerol, logistics officer ng MNLF unified command.

Ani Amerol, hindi panggugulo ang nagawang pagbiyahe ng mga baril, at wala ring kinalaman ang insidente sa Maute group.

Ngunit ayon kay Murillo, nakakaalarma ang dami ng armas na dala ng kalalakihan.

“Hindi lang naman siya ordinaryong armas…If you were just to rescue a kidnap victim in a house, siguro you don't need those kind of armaments to do the job for you,” aniya.

Posible rin daw na inililipat ang mga armas mula sa lugar kung saan sila unang itinago.

Sinusubukang hingin ulit ng MNLF ang mga armas na nakumpiska, pero ayon sa PNP ay hindi ito madaling maibalik.

"We are still investigating the incident…because we cannot just release all these. Dahil kung wala naman dun sa firearms that were already submitted to the attention of the government, for the negotiation, hindi naman pwedeng ganun lang,” ani Police Senior Supt. Datumama Mokalid, provincial director ng Lanao del Sur police.

Hindi rin daw lahat ng kasapi ng MNLF ay maaaring magdala ng armas.

Ayon sa MNLF, malinis ang kanilang pakay at handa silang makipagtulungan sa gobyerno, gaya raw ng ginagawa nila sa ibang bahagi ng Mindanao. --with reports from Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.