Traffic sa North Avenue, titindi kasabay ng konstruksiyon ng MRT-7

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2018 08:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inaasahan na ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa North Avenue sa Quezon City simula Sabado ng gabi dahil magsisimula na ang konstruksiyon ng MRT-7.

Babawasan kasi ng tig-isang inner lane mula Veterans Memorial Medical Center papuntang Agham Road para tayuan ng pundasyon ng MRT-7. Doon dadaan ang guideway o magiging riles ng MRT-7 na papuntang Quezon Memorial Circle mula SM North EDSA annex. 

“Ang sinasabi natin kanina na 1-month period construction is only for the foundation so after that 1 month, nag-e-expect pa rin sila na may ongoing construction pa rin do’n dahil nga itatayo pa natin iyong poste at iyong pinakadadaanan ng riles,” paliwanag ni Van Evangelista, public information officer ng MRT-7 Traffic Management.

May alternative routes namang inilatag ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasabay nito. 

Pagdating sa North Avenue galing EDSA, maaaring kumaliwa sa Mindanao Avenue at mag-short cut sa Project 6 para makalusot sa Visayas Avenue patungong Quezon Memorial Circle o Tandang Sora.

Kapag mula Mindanao Avenue-Novaliches area, puwedeng lumiko sa Congressional Avenue pa-EDSA o Visayas Avenue para hindi gaanong magbigat ang trapiko.

Gabi hanggang madaling araw naman ang full-blast construction ng contractor.

“By 12 mindnight tomorrow, they’re going to start the construction. Wala na nga kaming tinatawag ngayon na rush hour. So kami po’y nakiusap sa contractor na kung may major movement, gagalaw lang sila from 11 p.m. to 5 a.m.,” ayon kay MMDA assistant general manager Jojo Garcia 

Patuloy naman ang konstruksiyon ng bahagi ng MRT-7 sa Commonwealth Avenue at Quirino Highway.

Inaasahang matatapos ang MRT-7 sa last quarter ng 2019 na magkokonekta sa Quezon City hanggang sa San Jose Del Monte, Bulacan. -- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.