Gagamba, ugat umano ng alitang magkapatid sa CDO na ikinamatay ng kuya

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2018 01:39 AM

Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng kaniyang nakababatang kapatid dahil umano sa away sa gagamba sa Cagayan de Oro Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rey Barcelona, 23. Inaresto naman ng pulisya si Francis Barcelona, 19.

Kuwento ng suspek, bigla umano siyang binugbog ng kaniyang kuya sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Tablon Miyerkoles ng gabi.

Kinuha niya ang kutsilyo at sinaksak ang biktima sa gilid.

Maituturing umano na self-defense ang kaniyang ginawa at hindi niya sinadyang patayin ang kanyang kuya, dagdag ng suspek.

Dinala pa sa ospital ang nakatatandang Barcelona pero binawian din ito ng buhay.

Ayon kay SPO3 Olympio Ranulo Jr. ng Cagayan De Oro police, nag-ugat umano ang alitan ng dalawa dahil sa gagamba na ginagamit pangsabong.

Pinagbintangan umano ng biktima ang kaniyang nakababatang kapatid na ninakaw ang kaniyang gagamba.

May bibili na umano sana sa gagamba ng biktima pero hindi niya mahanap ito kaya nagalit ito, dagdag ni Ranulo.

Hindi naman magsasampa ng kaso ang pamilya dahil self-defense umano ang ginawa ng nakababatang Barcelona.

Pero maghahain pa rin ng kaso ng homicide ang pulisya laban sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.