3 umano'y miyembro ng Ansar Al-Khilafah, tiklo

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2017 03:42 PM

Tatlong lalaki na umano’y mga kasapi ng grupong Ansar Al-Khalifa ang inaresto ng awtoridad Martes ng madaling araw sa South Cotabato.

Pinasok ng tropa ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group, Philippine National Police Special Action Force, Regional Public Safety Battalion 12, Regional Intelligence Division at 27th Infantry Battalion ang Barangay Labu sa Polomolok pasado alas-tres ng umaga noong Martes.

Bitbit ng operatiba ang search warrants para sa 11 target na naging kasamahan umano ng napatay na lider ng Ansar Al-Khilafah Philippines na si Mohammad Jaafar Maguid, alyas Tokboy Maguid.

Arestado sa raid sina Danny Yang na nakunan umano ng kalibre .45 na baril. Nahuli din ang isang Mario Sueb na nakunan din umano ng isang sachet na pinaghihinalaang shabu, at si Zaidon Nilong na may dala umanong granada.

Si Nilong ang tinutukoy ng mga pulis na umano'y nagbabalak pumalit sa lider ng AKP na napatay sa operasyon sa Kiamba, Sarangani.

Nahaharap sila sa kasong paglabag sa firearms law and ammunitions dahil sa mga narekober na iba't-ibang bala at armas. 

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya at pinagbawalan din nilang magsalita sa media ang mga suspek.

Naniniwala ang pulisya na napabagsak na nila ang grupo ng Ansar Al-Khilafah sa Sarangani Province, pero hindi pa rin daw titigil ang manhunt operation laban sa mga kagrupo at pinaniniwalaang mga miyembro nito.

Ilang Special Action Force commandos ang nagpatrolya matapos makita ang isang Improvised Explosive Device malapit sa Embahada ng Estados Unidos sa Maynila noong Nob. 28, 2016. Reuters
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.