Brownout, nagbabadya pa rin sa tag-init

ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2018 12:27 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nanindigan ang Energy Regulatory Commission (ERC) na mauuwi sa brownout ang suspensiyon ng 4 na commissioners dahil walang maiisyung permit para gumana ang mga bagong planta ng kuryente.

Giit ni ERC chair Agnes Devanadera, nagbabadya ang brownout dahil walang maaaprubahang permit o proyekto gaya ng mga planta para madagdagan ang suplay ng kuryente.

“If ERC is not able to issue these authorities and approvals, mahihinto ‘yung supply so we call it brownout, blackouts or on rotation basis, merong effect,” ani Devanadera.

Kung isinusulong naman ng Department of Energy (DOE) ang pagtalaga ng acting ERC commissioners, hahayaan na lang umano ni Devanadera ang Malacañang na dumiskarte para maiwasan ang posibilidad ng brownout sa tag-init. 

Pero sa pananaw ng National Grid Corporation of the Philippines, sasapat ang suplay ng kuryente kahit sa panahon ng tag-init ngayong taon.

Alam na rin umano nila na tataas ang demand o pangangailangan sa kuryente pero kaya itong punan ng mga nakatayo na o papasok na planta.

Dahil umaangat ang ekonomiya, na-forecast na ng NGCP na lolobo ang pangangailangan sa kuryente ng Luzon, Visayas, at Mindanao.

“The ERC may be wanting to be prudent and that's not a bad thing but based on the facts as it stands now, we see no red alert status coming on for the year,” ayon kay Atty. Mutya Alabanza, tagapagsalita ng NGCP.

Pero hindi pa rin umano kayang garantiyahin ng NGCP na walang brownout sa tag-init.

“That is a guarantee we can never make because you know, there are a lot of factors that cannot be determined this early,” ayon kay Alabanza. 

Kinumpirma rin ng NGCP na papatak na sa bill nila sa Meralco at iba pang kooperatiba ang value added tax sa transmission charge.

Ibig sabihin, pasok ito sa February bill ng consumer na sa estimate ng ERC ay aabot ng P0.06 hanggang P0.07 kada kilowatt-hour na dagdag-singil.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.