2 lalaki, timbog sa drug bust sa Cebu

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Jan 17 2018 10:05 AM

Ilan sa mga nasamsam na hinihinalang shabu mula sa ikinasang magkahiwalay na buy bust operation ng awtoridad sa Cebu.

Dalawang tulak umano ng ipinagbabawal na droga ang naaresto sa ginawang magkahiwalay na buy bust operation sa Cebu, Martes ng gabi.

Nakilala ang mga naaresto na sina Edgar Berame at Jordan Bato.

Nahuli ng operatiba ng Lapu Lapu City Intelligence Branch si Berame kung saan nakumpiska ang 25 gramo ng hinihinalang shabu sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Looc.

Nahuli na dati ang suspek dahil sa kasong pagbebenta ng shabu.

Itinanggi naman ng suspek na nagbebenta siya ng droga. Pinabulaanan din niyang sa kanya ang mga nakumpiskang shabu.

Sa Cebu City naman, nahuli din ng City Intelligence Branch si Bato sa buy bust operation sa Barangay Ermita.

Nasamsam sa kanya ang 25 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P300,000.

Base sa monitoring ng awtoridad, nakakapagbenta ang suspek ng 25 hanggang 50 gramo ng shabu kada linggo. 

Hindi pa matukoy ng awtoridad kung sino ang source ng iligal na droga ng mga suspek.
 
Samantala, patuloy pa rin iniimbestigahan ng awtoridad kung sino pa ang mga kasamahan ni Berame.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.