2 bata, patay sa sunog sa Davao

Angelo Caballero, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2017 07:57 AM | Updated as of Jan 18 2017 07:59 AM

Dalawang bata ang kumpirmadong patay matapos masunog ang nasa 50 bahay sa St. John, Bucana sa Barangay 76-A, Davao City Miyerkules.

Ayon kay fire investigator FO3 Leo Lauzon, natutulog ang paslit na magkapatid, edad 1 at 3, nang magsimula ang sunog sa kanilang bahay dakong alas-4 ng umaga.

Naiwang mag-isa sa bahay ang magkapatid dahil security guard ang kailang mga magulang na sina Angelyn Magputol at Rodel Gales, na-naka-duty nang mangyari ang insidente.

Iniwan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa isang pamangkin pero lumabas ito ng bahay para umekstra sa pagpapadyak at nakabalik lamang nang malaki na ang sunog.

Sa inisyal na imbestigasyon, posibleng naputol na kable ng kuryente ang pinagsimulan ng apoy na mabilis na kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa kahoy.

Naniniwala naman ang ama ng mga nasawing bata na maaaring intensyonal na sinunog ng kanilang boardmate ang bahay dahil nagkaroon sila ng hindi pagkakaintindihan kamakailan.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang tunay na sanhi ng sunog.

Pansamantalang nanunuluyan sa isang gym ang mga apektadong pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.