1 patay, 5 sugatan sa banggaan ng van, bus sa GenSan

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jan 18 2017 12:46 AM

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

GENERAL SANTOS CITY -- Patay ang isang estudyante habang sugatan naman ang 5 iba pa sa pagbangga ng cargo van sa bus ng Mindanao Star sa highway ng Barangay Batomelong, General Santos City Martes ng umaga.

Ayon sa driver ng bus na si Jeffrey Dumanayos, galing sa GenSan at patungong Davao City ang bus lulan ang 17 pasahero pero matulin umano ang takbo ng kasalubong nilang cargo van kaya nabangga nito ang bus.

Sa lakas ng pagbangga, nabasag ang salamin sa kaliwang bahagi ng bus at tinamaan ang 19-taong gulang na estudyanteng si Mohammad Moamar kaya agad itong binawian ng buhay.

Ayon sa Traffic Management Unit, kritikal pa ang isa pang pasahero ng bus na si Roshelle Gaspar na taga Kiamba, Sarangani.

Nasugatan din ang 4 pang pasahero ng bus.

Paliwanag ng pahinante ng van na si Arnold Sangco, galing sila sa Davao City lulan ang kitchen wares na ide-deliver sana nila sa GenSan nang bigla umanong nawalan ng preno ang van.

Lumalabas naman sa imbestigasyon ng PNP na walang problema sa brake ang van, nag-overtake raw ito kaya nag-overshoot sa bus.

Pinili ng pamilya na huwag ng magbigay ng pahayag sa media pero desidido silang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple injuries ang driver ng cargo van na si Florante Maco.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.