Higit 30 milyong manggagawa, sapul ng taas-presyo bunsod ng TRAIN law

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2018 10:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Aabot sa higit 30 milyong manggagawa ang tatamaan ng pagtataas ng presyo ng bilihin at serbisyo bunsod ng tax reform program ng gobyerno, base sa tantiya ng isang labor group. 

Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines, nangunguna rito ang mga minimum wage earner na hindi makikinabang sa batas na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). 

Sa ilalim ng batas, pinababa ang income tax pero inaasahan ang pagtaas ng presyo ng bilihin kasabay ng pag-akyat ng buwis sa petrolyo, coal, mga sasakyan at matatamis na inumin.

“Workers' group the Associated Labor Unions-TUCP estimate there are around 30.6 million workers in the formal and informal sectors working in manufacturing, services and agriculture and agri-business jobs nationwide (who) are already affected by the TRAIN-driven rise of prices of commodities and cost of services,” pahayag ni Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP. 

Dagdag pa nila, lalo pang mababaon sa kahirapan ang dati nang mahirap dahil sa tax reform program ng pamahalaan na nagpataw ng dagdag na tax sa petrolyo at ngayon ay nagtutulak pataas sa presyo ng bilihin.

"If the Duterte administration fails to provide effective, sustainable and functional social safety nets for these workers, they might fall further deeper [in] poverty,” ani Tanjusay. 
    
Inaasahan din naman ang mas mataas na wage hike petition ng ilang mga labor group dahil sa nakaambang matinding epekto ng pagpapatupad ng tax reform sa presyo ng bilihin ngayong taon.

Kasabay nito, inaasahan ding mas malaki ang ibibigay na umento ng wage board para makasabay naman ang mga minimum wage earners. -- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.