Pulis, nanutok umano ng baril sa peryahan

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2017 12:49 PM

MANILA - Arestado ang isang pulis matapos umanong magwala at manutok ng baril sa isang peryahan sa Balik, Maynila Linggo.

Ayon sa nagreklamong si Jesus Simbahan, nakainom umano ang suspek na si PO3 Dexter Valencia nang mangyari ang kanilang kumprontasyon sa gitna ng isang color game.

Tumataya umano sa laro ang kasamang negosyante ni Simbahan nang bumulong ang pulis kung saan ito dapat tumaya, pero hindi nila ito pinansin.

Nanalo sa laro ang negosyante at iginiit umano ni Valencia na dapat siyang magkaroon ng bahagi sa premyo, ani Simbahan.

Tumanggi umano ang grupo ni Simbahan kaya nagaglit ang suspek. Anya, "Ginigirian ako. Tinutukan. Sabi ko, 'Ginagalang ko kayo dahil pulis kayo. Kung gusto niyo bukas na lang tayo magusap.'"

Kaagad namang naawat ang dalawa ng mga rumorondang pulis na nagpa-uwi kay Valencia.

Inakala umano ni Simbahan na tapos na ang gulo, pero muling bumalik sa peryahan si Valencia para hamunin sila.

"Una palang kinasahan na ako. Pangalawa, binunutan na ako. Ano talaga intensyon niya sa akin?" ani Simbahan.

Ilang beses sinubukang kuhanan ng pahayag ng media si Valencia pero hindi ito nagpaunlak ng panayam.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente.

Nakatakdang maharap sa kasong grave threat at public alarm and scandal si Valencia na nakadestino sa Quezon City Police District Station 6.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.