2 kritikal, 27 sugatan sa salpukan ng kotse at trak sa S. Cotabato

Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2017 06:51 PM

Photo courtesy of Bureau of Fire Protection (BFP) Tupi

TUPI, South Cotabato -- Nanganganib ngayon ang buhay ng dalawang estudyante matapos sumalpok ang sinasakyan nilang Elf truck sa isang kotse sa Brgy. Palian, Tupi South Cotabato Linggo ng umaga.

Ayon kay Police Inspector Bertito Delco Jr., officer-in-charge ng Tupi Municipal Police Station, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na galing sa Tupi ang Elf truck papunta sa Koronadal City lulan ang 22 estudyante ng South East Asian Institute of Technology na kalahok sana sa championship ng Private Schools Athletic Association kasama ang kanilang dalawang coach at dalawang guro.

Patungo naman sa direksyon ng General Santos City ang kotse na may apat na sakay.

Habang binabaybay umano ng Elf truck ang kahabaan ng Tupi National Highway, bigla umanong lumihis sa lane ang kasalubong nitong kotse at inagaw ang kanyang linya kaya nagsalpukan ang dalawang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon umano ang mga estudyante at nagkasira-sira ang kotse.

Hindi pa matukoy ng otoridad kung bakit lumihis sa linya ang kotse pero ayon kay Leo Andalinog, na nakakita sa nangyari, bago pa ang aksidente, pagewang-gewang na ang takbo ng kotse.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis. Ginagamot naman sa pribadong ospital ang dalawang kritikal habang stable na ang higit dalawampung sugatan.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injury ang driver ng kotse na si Rico Lataban.