Higit 50 OFW, stranded sa Saudi dahil sa naluging kompanya

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 08:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nasa 50 overseas Filipino worker (OFW) ang hindi makauwi mula Saudi Arabia dahil hindi pa nababayaran ng kompanyang pinagtarabahuhan nila ang kanilang mga residence permit matapos malugi.

Hindi mabigyan ng exit visa ang mga OFW dahil hindi pa nababayaran ang kanilang iqama o residence permit, na obligasyon ng kanilang pinagtarabahuhang kompanyang Modern Arab Company.

Kaya ang ilang empleyado'y dalawang beses na lang umanong kumakain sa isang araw. May mga nagkakasakit na rin dahil siksikan sa kuwartong tinutuluyan.

"Karamihan po sa amin, under contract po," ani Albert Catalino, isa sa mga stranded na manggagawa. "Parang hindi naman po nakikiharap ngayon 'yong company sa amin."

August 2017 pa lang ay nagpahayag na ng pagnanais ang ilan sa mga apektadong OFW na makauwi sa bansa para makaabot sa Pasko.

Pero hindi pa rin umano malinaw kung ano ang plano sa kanila ng naluluging kompanya.

"Ayaw kaming pauwiin kasi nga po kailangan nila tao ... mayroon daw pong project na bubuksan," ani Catalino. "Nine months na kaming tambay dito."

Tiniyak naman ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na puspusan ang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa kompanya para maproseso ang resident permit at exit visa ng mga apektadong kawani.

"We are also looking at their welfare in terms of pagpapauwi and mayroon din kaunting clamor na bigyan sila ng subsistence allowance," ani OWWA administrator Hans Cadac.

Dagdag pa ng Department of Foreign Affairs, may inisyu nang 59 tikets at tulong pampinansiyal ang recruitment agency na Deltavir.

Inaasikaso rin umano ng Modern Arab Company ang iqama ng ilan. Kulang lang umano sila sa pondo para mapauwi ang karamihan.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.