DFA paiimbestigahan ang umano'y fixers na umuubos sa passport appointment slots

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 05:27 PM

MAYNILA - Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang umano'y sindikatong nag-o-operate sa passport appointment system.

Misong si Foreign Affairs Undersecretary Jose Luis Montales na ang lumapit sa mga awtoridad matapos ang mga ulat ng umano'y fixers na umuubos ng appointment slots para ibenta sa mga aplikante. 

Una nang kumalat sa social media posts ng mga aplikante ng passport ang modus kung saan aabot sa halagang P1,000 ang appointment slot na ibinebenta sa kanila ng fixers. 

Humingi naman ng pang-unawa ang DFA sa ilang isyung teknikal ng kanilang online appointment system, lalo't resulta umano ito ng dagsa ng mga aplikanteng pumupunta sa website. 

Giit ng ahensiya, oras-oras ay may binubuksan silang slot kaya pinapayuhan ang mga aplikante na regular bumisita sa kanilang appointment website para sa mga available na petsa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.