'Curious' na pulis, arestado sa pot session

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 07:46 AM | Updated as of Jan 14 2018 08:40 PM

MANILA - Arestado ang isang pulis mula sa QCPD District Public Safety Battalion matapos maaktuhang nakikipag-pot session sa 5th Avenue sa Caloocan City.

Huli si PO1 Ramil Daludado at ang kanyang kasamang si Teodoro Borneo.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakuha sa kanila ang isang sachet ng hinihinalang shabu, aluminum foil, lighter, at cellphone.

Nang tanungin kung bakit siya nag-shabu gayong sila dapat ang sumusugpo sa droga, sinabi ni Daludado na na-curious lamang siya at hindi niya alam na shabu pala ang hawak niya.

Nagtaka daw siya kung ano ang makinang na nasa sachet kaya sinubukan niya itong gamitin.

Gusto muna niyang intayin ang resulta ng drug test para matiyak kung ano ito.

Pero ang kasama nyang si Borneo, agad umaming dati nang nagsha-shabu para lumakas ang katawan sa trabaho.

Hindi tinanggap ni P/SSupt. Jemar Modequillo na hepe ng Caloocan Police ang kanyang palusot.

Aniya, hindi katanggap-tanggap na hindi alam ng pulis kung ano ang shabu.

Taong 2010 nang maging pulis si Daludado pero napag-alaman na nag AWOL nung 2013 dahil sa problema sa pamilya. Nakabalik lang siya sa serbisyo noong 2016.

Agad ikinulong ang dalawa, at posibleng madismiss si Daludado sa serbisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.