Alert level 2 itinaas sa bulkang Mayon; mas marami pang 'eruption' nagbabadya

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 08:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Itinaas na sa Alert level 2 ang babala sa pag-aalburoto ng bulkang Mayon kasunod ng phreatic eruption nito noong hapon ng Sabado, Enero 13.

Sa inilabas na abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), bago pa man ang pagbuga ng steam at abo ng bulkan, na-monitor na ang bahagyang pamamaga ng labasan ng bulkan.

"Prior to this phreatic eruption, Mayon's edifice has undergone inflationary changes or a slight swelling of the edifice as indicated by ground deformation data recorded by continuous GPS and tilt since October and November 2017, respectively. This indicates pressurization of the edifice by rising magma or its perturbation of Mayon's subsurface hydrothermal system," saad ng pahayag ng DOST-PHIVOLCS.

Dahil dito, mula sa alert level 1 na "abnormal," itinaas na sa alert level 2 o "increasing unrest" ang babala sa bulkan.

Ibig sabihin, ayon sa PHIVOLCS, nagbabadya ang mga susunod pang phreatic eruption at maaaring kalauna'y magmatic eruption o ang pagputok na may kasama nang lava.

Bago mag-alas 12 ng tanghali nitong Linggo, ilang phreatic eruption ang muling na-monitor mula sa bulkang Mayon.

Inaabisuhan ang publiko na umiwas na sa pagpasok sa six-kilometer radius permanent danger zone na itinakda sa paligid ng bulkan.

Sinabihan din ang mga residente na gumamit ng dust mask o kaya'y basang tela para ipantakip sa ilong at bibig sakaling magkaroon ng ash fall.

Pinaiiwas din muna ang mga piloto sa pagpapalipad ng eroplano malapit sa tuktok ng bulkan.

"The public is strongly advised to be vigilant and desist from entering the six (6) kilometer-radius Permanent Danger Zone (PDZ) to minimize risks from sudden explosions, rockfall and landslides. In case of ash fall events, which are most likely to affect communities on the western and southwestern flanks downwind of Mayon's crater, people should cover their nose and mouth with damp, clean cloth or dust mask. Civil aviation authorities must also advise pilots to avoid flying close to the volcano's summit as ash from any sudden eruption can be hazardous to aircraft," saad ng pahayag ng DOST-PHIVOLCS.

Hindi bababa sa 600 pamilya na rin ang inilikas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) mula sa paligid ng bulkang Mayon kasunod ng ashfall nitong Sabado.

Isinagawa ng PDRRMC ang preemptive evacuation sa 16 na barangay mula sa apat na bayan at dalawang lungsod sa Albay pasado alas-8 ng gabi.

Kabilang ang mga bayan ng Camalig at Guinobatan sa mga apektado ng ashfall.

Namigay na rin ang lokal na pamahalaan ng sleeping mats at face masks sa mga lumikas na residente.

Agad sinimulan kagabi ang preemptive evacuation sa 16 na barangay mula sa apat na bayan at dalawang siyudad sa Albay matapos ang ipinalabas na advisory ng PDRRMC mag-aalas ocho kagabi. Sila ang mga residenteng nakatira sa loob at labas ng 6 kilometer permanent danger zone sa palibot ng bulkan na apektado ng ashfall.

Mahigpit na ring ipinagbabawal ang pagpasok sa permanent danger zone ng bulkang Mayon.

-- May ulat ni Karren Canon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.