1 patay, 3 sugatan sa pamamaril sa Taguig

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2018 07:45 AM

MANILA - Isa ang patay habang tatlo naman ang sugatan sa pamamaril ng riding in tandem sa Castillo St., Brgy. Upper Bicutan, Taguig.

Kinilala ang napatay na si Ryan Yalung, at residente sa lugar. Ayon sa tiyuhin ng biktima na si John Rey Javier, dati rin umanong asset ng pulis ang biktima.

Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na nasa tapat ng kanyang bahay si Yalung nang pagbabarilin ito ng dalawang lalaki lulan ng isang motorsiklo.

Nakatakbo pa sa kabilang kanto ang biktima ngunit binawian rin ito ng buhay bunsod ng tama ng bala sa ulo.

Sugatan naman ang tatlo na natamaan umano ng ligaw na bala nang tumakbo sa kanilang direksyon ang biktima.

Itinakbo agad sa ospital ang mag-asawang sina Rosalina at Samuel Rufuerzo at isang alyas Kalik. Nagtamo ang magasawa ng tama ng bala sa kamay habang natamaan naman sa binti si alyas Kalik.

Patuloy namang tinutugis ng mga pulis ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.